Ang Tatlong Puno
Written by Virginia h. Ferrer
Filipino Poems
( 16 Votes )
Ang Tatlong Puno
ni Virginia h. Ferrer
Sa isang makahoy na lugar na malapit sa burol
ay masinsinang nag-usap ang tatlong punong mayabong
"ano ang pangarap ninyo?", ito ang matinding tanong
"anong mangyayari sa atin, pagdating ng panahon."
"Ang gusto ko sana ay maging kaban ako ng yaman
na puno ng ginto't pilak, alahas na kumikinang,
marangya ang ukit at may matingkad na kagandahan,"
wika ng unang puno na may tinig ng pagyayabang.
Sumunod namang nagsalita ang ikalawang puno,
"Balang araw ako ay magiging sikat at malaking barko,
at mga dugong bughaw lamang ang magiging sakay ko,
ligtas silang lahat at lilibutin namin ang mundo."
Sa huli ay ang ikatlong puno naman ang nagwika,
"Nais ko sana'y ako ang maging pinakadakila,
pinakamataas sa gubat, sa akin titingala
malapit sa langit para kausapin si Bathala."
Lumipas ang maraming taon at tuloy din ang dasal
na sana'y matupad ang kanilang mga inaasam
masasaya silang tatlo sa kanilang pagpapatnubay
sa gubat na siya nilang kinamulatang tahanan.
Minsa'y may mga magkakahoy sa gubat ay dumating
at ang unang punong matikas ang kanilang napansin
wika nila'y maganda ang porma, matibay, masinsin
madaling maibenta at malaki ang kikitain.
Tuwang-tuwa naman ang puno sa kaniyang narinig
baka maging kaban na siya tulad ng panaginip
at kung gaano siya kaganda'y kanyang iniisip
at tunay na walang pagsidlan ang kanyang pananabik.
Nang ikalawang punong malago naman ang nakita
sa tindig at tayo mga magkakahoy napahanga
malaki daw ang kikitain kung ito'y maibenta
sa pagawaan ng barko nitong kanyang kabarkada.
Ang galak ng ikalawang puno'y di na maikubli
sa sinabi ng magkakahoy tuwang-tuwa sa sarili
at matutupad na rin ang pangarap na minimithi
pumalaot sa dagat at siya'y maipagmalaki.
At sa huli ang ikatlong puno naman ang nakita
medyo natakot pa ito dahil kapag pinutol na siya
baka daw hindi matupad ang pangarap niya
subalit wala s'yang nagawa ng siya'y itinumba.
Wala namang akong ispesyal na kailangang gawin
dito sa napakataas na punong 'king puputulin
kaya ang isang ito ay puwede na ito akin
at kapagdaka'y inumpisahan na siyang lagariin.
Nang dinala ang unang puno sa mga karpintero
ginawa s'yang isang malaking sabsaban ng kabayo
inilagay sa isang luma at madilim na kubo
at siya ay tinambakan ng napakaraming damo.
Kailanman ay hindi ito ang kanyang naging dasal
kaya't malungkot siya sa sinapit na kapalaran.
Ang ikalawang puno ay naging bangka sa pantalan
mahihirap na mangingisda ang naging kaulayaw.
At hindi rin natupad ang kanyang malaking pangarap
na maging malaking barko sa dagat ay maglalayag.
Samantalang ang ikatlong puno ay pinagsisibak
at sa isang madilim na bodega lang itinambak.
Minsa'y isang lalaki't 'sang babae ang napadaan
ang nagpalipas ng gabi sa madilim na sabsaban
sa pagod ng babae ay doon na niya naisilang
ang kanyang anak na siyang hari ng sangkatauhan.
Ninais mandin ng lalaki na siya'y makagawa
ng 'sang duyan kung saan ang anak ay makakahiga
minabuti na lamang nila na sila'y magtiyaga
sa sabsaban natagpuan na hindi naman masama.
Tuwang-tuwa ang unang puno sa pangyayaring yaon
dahil sa ang kanyang dasal nuon ngayon ay tinugon
daig pa ang yaman na sa kanya'y nakahimlay ngayon
na nasa kanyang kandungan ang Dakilang Panginoon.
Marami pang mga panahon ang matuling lumipas
isang pulutong ng mangingisda ang siyang nagbalak
sa bangkang mula sa ikalawang puno sila'y ligtas
manghuhuli ng isda sa dagat na napakalawak.
Sa matinding pagod, ang isang kasama'y nakatulog
hindi na nga n'ya namalayan mga kidlat at kulog
at sa isang iglap malakas na ulan ang bumuhos
inakala nga ng puno na baka siya'y tumaob.
At kanilang ginising ang natutulog na lalaki
kapagdaka'y tumayo at sa langit ay bumati
mga kamay itinaas kapayapaan hiningi
ang nakasakay pala'y ang hari ng mga hari.
Samantala naman ay may isang lalaking kumuha
sa sinibak na kahoy na itinambak sa bodega
at pinasan sa likod sa kahabaan ng kalsada
habang nililibak ng marami ang taong may dala.
At nang makarating na sila sa isang munting burol
mga kamay at paa ipinako ng walang tutol
sa kahoy na pasan mula sa ikatlong punongkahoy
itinayo ang kahoy at saka ito ibinaon.
At nang sumapit na yaring dakilang araw ng linggo
ay noon lang napagtanto nitong puno na ikatlo
kung gaano s'ya katatag sa burol ay nakatayo
napakalapit sa Diyos na sa kanya'y ipinako.
Kaya atin sanang pakatatandaan na kung minsan
na hindi agad natutupad ang ating kahilingan
ay dahil may ibang planong sa atin ay nakalaan
mas maganda at mas mabuti at mas makabuluhan.
Ang bawat isa sa mga punong yaon ay may dasal
at sa bandang huli ito ay kanilang ding nakamtam
hindi man sa paraan na kanilang inaasahan
bagkus ay sa isang napakadakilang paraan.
Comments