Ang Buhay Nga Naman

Attention: open in a new window. E-mail

Filipino Poems

( 16 Votes )

Ang Buhay nga Naman

ni

Virginia H. Ferrer


Noong unang araw ginawa ng Diyos ang kalabaw
sinabihan niya ito na sa bukid ay magbungkal
magtrabaho ng husto't ang magsasaka ay tulungan
araruhin ang lupang tigang, umulan at umaraw.


Sinabihan din siya na dapat ay mag-kaanak
at sa nangangilangan magbigay ng gatas
sa pagkain at trabaho, tutulong sa lahat
may animnapung taong buhay kanyang ilalakas.



Medyo umangal ang kalabaw sa tinuran ng Diyos
masyadong mahaba buhay na ipinagkakaloob
sana daw dalawampu na lang ang sa kanya'y idulot
ang sobra'y ibabalik sana ay huwag malungkot.



Noong ikalawang araw ginawa ng Diyos ang aso
sinabihan niyang maghapon na ito ay umupo
sa may pinto ng bahay nitong kanyang magiging amo
at tahulan ang bawat lumapit o pumasok dito.



At siya ay binigyan ng dalawampung taong buhay
subalit tulad ng kalabaw ang aso ay umangal
ang dalampung taong pagtatahol ay napakatagal
katwiran sa Diyos at siya naman ay pinagbigyan.



Ibinalik ng aso sa Diyos sobrang sampung taon
at walang sama ng loob ay tinanggap naman iyon
basta't gawin mo lamang ang sa iyo ay itinuon
at wala na tayong magiging problema kung ganuon.



Noong ikatlong araw, ginawa ng Diyos ang unggoy
para daw magpatawa, magpasayang paugoy-ugoy
wala na daw malulungkot at wala ring magngungoyngoy
maligayang lahat, patatawanin ng tuloy-tuloy.



Pasayahi't aliwin ang mga taong nalulungkot
patawanin mo sila para hindi sila mabugnot
wala na siguro 'kong makikitang nakasimangot
at dalawampung taon naman sa iyo'y idudulot.



Habang nagkakamot ng ulo ang unggoy ay nagwika
ang dalawampung taon ay napakatagal po yata
kaya't tulad po ng aso sampung taon ay sapat na
hayaan po ninyo't matutupad ang adhika.



Nuong ikaapat na araw ay ginawa ng Diyos
ang tao, na sa kanyang sariling anyo ay hinubog
ikaw ay maglalaro at kakain at matutulog
mag-aanak at magsasaya at magpapakabusog.



At katulad din ng mga iba pang Kanyang nilalang
kung ilang taon mayroon ay Kanya ring ibinigay
subalit agad nagreklamo itong taong tinuran
dahil ang ibinigay ay dalawampung taon lamang.



Tinanggap naman ng tao itong dalawampung taon
subalit marahang kinausap itong Panginoon
apatnapung taong ibinalik ng kalabaw nuon
ibigay daw sa kanya at kailangan niya iyon.



Ang tig-sasampung taong inayawan ng aso't unggoy
sa Diyos na lumikha ay kanya pa ring ibinulong
na sa kanya daw sana ang mga ito ay iukol
kakailangin niyang lahat pagdating ng panahon.



At sa madaling salita ay walumpung taong lahat
hiningi ng tao at binigay ng Diyos kaagad
masaya ang tao at buong pusong nagpasalamat
may ngiti sa kanyang labi't mga mata'y kumikislap.



Ngayon ay alam na natin kung bakit nga ba ang unang
dalawampung taon ay talagang nating kailangan
para kumain, maglaro, magkasama sa tulugan
magkaroon ng pamilya at magsaya araw-araw.



At sa mga apatnapung taon naman na susunod
ay kinakailangan nating sa araw ay kumayod
magtrabaho ng husto at ang pamilya'y itaguyod
hanggang sa mapag-aral ang mga anak na nilulugod.



Sa sampung taong susunod ay halos magpakamatay
sa pag-aalaga mga apong pinakamamahal
patawa dito, patawa duon, patawang walang humpay
maaliw lamang yaring mga taong mahal sa buhay.



At kung may natitira pang mga sampung taon mandin

ito'y ilalagi sa pinto ng mga bahay natin
parang asong sumisigaw sa masasamang salarin
na may nais manghimasok sa tahanan nating giliw.

 

Comments

avatar pinay ako
+2
 
 
okey ito ah!!!!!!
Name *
Code   
ChronoComments by Joomla Professional Solutions
Submit Comment
Cancel
Name *
Code   
Submit Comment