Naniniwala Ako

Attention: open in a new window. E-mail

Filipino Poems

( 12 Votes )

Naniniwala Ako

ni

Virginia H. Ferrer

Naniniwala ako sa munting papel na hawak ko
katunayang iniluwal ako sa ibabaw ng mundo
at 'sang papel din ang siyang makapagpapatotoo
kung tunay ngang pumanaw na ako sa mundong magulo.

At  ang mga hawak kong larawan sa 'king mga kamay
siyang tiyak na sa lahat ay makapagpapatunay
na minsan na ring ako sa mundong ito ay nabuhay
nakibaka ng maayos para ako'y magtagumpay.

Naniniwala akong kahit sinong dalawang tao
ay 'di nagmamahalan dahil lamang sila'y nagtalo
at dahil sa hindi sila nagkakaroon ng gulo
ay hinding-hindi na sila magmamahalan ng todo.

Naniniwala ako na hindi basta-basta dapat
magpalit ng kaibigan ng ganuon lang kaagad
kung sadya nga bang ang pang-unawa mo ay malawak
at bakit siya sa 'yo ngayon ay pilit umiiwas.

Naniniwala din akong kahit gaano kasarap
ang inyong pagiging magkaibigang ganap
ay maaaring masaktan ka niya sa isang iglap
handa mo s'yang pagbigyan dahil iyon ang nararapat.

Naniniwala akong ang tunay na pagkakaibigan
walang mahabang tulay o malalim man na dagat
patuloy itong sisibol, patuloy itong hahawak
lalong-lalo na kung ikaw ay kanya nang nililiyag.

Naniniwala ako na minsan na 'di mo sinadya
at may isang pagkakamali na ikaw ay nagawa
na nakapagdulot sa iyo ng ibayong pangamba
at sama ng loob na halos ay hindi mo kinaya.

Naniniwala ako na lubhang ngang napakatagal
ang pagdaan ng mga araw bakit napakabagal
ano nga ba itong aking matagal na hinihintay
na nais kong sanang mangyari dito sa aking buhay.

Naniniwala ako na dapat sa iyong pag-alis
lagi kang mag-iwan ng mga salitang matatamis
dahil ang totoo walang sinumang nakakabatid
maaaring ito na ang huli ninyong pagniniig.

Naniniwala akong marami ka pang magagawa
kahit bukambibig mong hindi mo na makakaya pa
kahit lagi mong sinasabing ikaw ay mahina na
alam ko ang kakayanan mo sa 'kin, maniwala ka.

Naniniwala akong talos mong ang pananagutan
sa anumang gagawin at sa anumang susuungan
mayroong matutuwa, tiyak mayroong masasaktan
walang tayong magagawa sadyang ganyan ating buhay.

Naniniwala akong pagtitimpi ay kailangan
sa mga pagkakataong may ibang nararamdamam
sampung beses dapat paulit-ulit pag-isipan
dahil baka sumabog ka na tulad ng isang bulkan.

Naniniwala ako na ang ating mga bayani
ginawa lang nila ang nararapat hanggang sa huli
anuman ang kasapitan wala silang pasintabi
sa buhay nilang ibinuwis dahil sa ating lipi.

Naniniwala ako salapi ay walang halaga
kung ito lamang ang basihan ng ating pagsasama
madali itong kitain kung magsipag ka lang sana
at ano pa nga ba ang saysay kung ikaw ay wala na.

Naniniwala ako sa abilidad n'ting dalawa
sa pagtutulungan ay marami tayong reresolba
mayroong nagtagumpay, mayroon namang napornada
subalit sa pagtutulungan tayo'y naging masaya.

Naniniwala akong minsan ika'y nagkakaduda
sa kaibigan mong ito na pababa kang hinila
at mula sa iyong pedestal ikaw ay itinumba
pero ng nagipit ka, sinaklolohan ka rin niya.

Naniniwala akong karapatan ko ang magalit
sa mga bagay na talaga namang nakakangitngit
masasamang salita aking minsan ay nasasambit
hanggang duon lamang naman at hindi ako malupit.

Naniniwala akong marami akong natutunan
dahil sa dami ng aking mga naging karanasan
mayroong dapat itapon, mayroong dapat ikaban
walang kinalaman mga kandilang kong sinindihan.

Naniniwala akong 'di sapat ika'y mapatawad
nitong mga taong sa iyo ay umasa ng tapat
dito sa mga pagkakasala na iyong nilabag
sa iyong sarili humingi ka rin ng tawad, dapat.

Naniniwala akong kahit nadurog ang puso mo
at gaano man kalakas na isigaw mo sa mundo
tuloy-tuloy pa rin itong iikot, at 'di hihinto
malungkot ka man wala siyang pakialam sa iyo.

Naniniwala akong mahalaga kung sino tayo
ang ating mga nakaraan ay may malaking punto
ang ating mga aksyon tinitingnan lahat ng tao
kaya nga responsable ka sa mga ginagawa mo.

Naniniwala akong hindi ka dapat maging sabik
at gusto mong malaman kung bakit siya ay tahimik
hayaang mo na lang na ang bibig niya'y nakapinid
at nang sa anumang gulo ay hindi ka na madawit.

Naniniwala ako na ang iyong tingin sa kanya
at kung ano ang tingin ko, ay tunay na magkaiba
magkaibigan tayo at dalawang pares ng mata
ganuon s'ya sa 'yo, ganito naman sa akin, siya.

Naniniwala akong ang iniingatan mong buhay
ay maaaring magbago ng 'di mo inaasahan
ng mga tao nandiyan lang sa 'yong kapaligiran
at maaaring ni hindi mo kakilala man lamang.

Naniniwala akong kahit pagod na pagod ka na
dunong at lakas, naibigay mong lahat sa kanila
subalit nang umiyak ang kaibigan mo kanina
malakas ka pa pala para alalayan mo siya.

Naniniwala ako sa mga nakasabit sa dingding
ay mga katunayan na ikaw ay taong maningning
hindi ito lang ang sukatan ng pagiging magiting
at 'sang tapat na kaibigan na magpahanggang libing.

Naniniwala akong ang mga taong mahal sa 'yo
at siyang pinaghahandugan ng lahat ng pagod mo
at para lang sa kanila bawat patak ng 'yong dugo
pero bakit sila pa sa iyo'y agad inilayo.

Naniniwala akong ang mga taong masasaya
ay hindi dahil sa ang lahat ay nasa kanila
kapangyarihan at yaman nagpapasasa man sila
tunay na dahilan, mahusay kanilang disiplina.

Naniniwala akong ito ay dapat ibahagi
sa lahat ng tao  maging kaaway man o kakampi
sa mga mahal sa buhay na ating itinatangi
ang magandang mensahe ay maunawaang mabuti.

Naniniwala 'kong ganap ito'y na kapupulutan
mga aral at leksyon sa pang-arawaraw na buhay
mahalagang isipin pangkalahatang kabutihan
na maging lalong maligaya ang tanang sanlibutan.

 

 

Comments

avatar glorithel tuazom
0
 
 
sobrang haba naman!!
Name *
Code   
ChronoComments by Joomla Professional Solutions
Submit Comment
Cancel
Name *
Code   
Submit Comment