Isang Basong Gatas

Attention: open in a new window. E-mail

Filipino Poems

( 8 Votes )

Isang Basong Gatas

ni

Virginia H. Ferrer

Sa araw-araw na lang yata na ginawa ng Diyos
itong batang si Totoy hindi nakitaan ng pagod
kailangan daw n'yang kumita kaya panay ang kayod
nagtitinda sa bahay-bahay ng siya'y makaimpok.


Ang tanging nais niya'y makatapos ng eskuwela
mabuhay ng maayos at ng makatulong sa kapwa
kung kaya't walang tigil siya sa kanyang pagtitinda
umulan man o umaraw hindi niya alintana.


Nang araw na iyon ay gutom ang kanyang naramdaman
tila nag-aaway na ang bituka sa kanyang tiyan
dumukot sa bulsa niya at para pera ay tingnan
isang peseta lamang pala ang natitirang yaman.


Dahil sa 'di na n'ya makayanan dinadalang gutom
nagbabakasakaling kumatok humingi ng tulong
isang simple at lumang bahay itong kanyang tinunton
kumatok sa pinto sabay ang dasal sa Panginoon.


Ang nagbukas ng pinto ay isang babaeng maganda
at sa pagkagulat tila naudlot ang kanyang dila
sa halip na humingi ng pagkain na kanyang sadya
tubig na lamang ang nasabi sa kanyang pagkabigla.


Subalit ang matinding gutom nabakas ng babae
kung kayat 'sang basong gatas ang binigay sa lalake
dahan-dahang namang ininom gatas na isinilbi
hanggang sa mahimasmasan ng husto ang gutom na pobre.


Matapos makainom tinanong niya kung magkano
ang halaga nitong gatas na sa kanya ay inalo
sagot ng babae'y "wala kang utang sa akin iho,
turo ng magulang ko'y maging mapagbigay sa tao".


"Kung ganoon po'y maraming salamat," kanyang nawika
at saka siya nagpatuloy sa kanyang pagtitinda
magaan ang kalooban at may laman na ang bituka
nagpasalamat sa Diyos wala siyang kasinsaya.


At maraming pang mga taon ang matuling lumipas
naging mahina na ang babaeng nagbigay ng gatas
minsa'y nakaramdam ng sakit na halos mangi-ngiyak
kaya't siya'y isinugod sa pagamutan kaagad.


Nagkaroon ng pag-aalala doktor na tumingin
kung kaya't nirekomendang sa lunsod na siya dalhin
'sang espesyalista ang inatasang siya'y suriin
upang sakit agad malunasan at agad gamutin.


Isang doktor agad ipinatawag ng pagamutan
siyang kinunsultang mabuti tungkol sa karamdaman
nitong babaeng ngayo'y nasa bingit ng kamatayan
kailangan ang lunas para sa kanyang kaligtasan.


Nabanggit sa doktor kung taga-saan itong pasyente
at waring isang kislap ang sa ala-ala'y sumagi
kapagdaka tumayo at sa pasilyo'y nagmadali
at tinunton ang kuwarto na sa kanya ay sinabi.


Nakasuot ng unipormeng pumasok sa kuwarto
pasyente'y tulog subalit nakilala n'ya agad 'to
inalam kaagad ang sakit at sinuri ng husto
kailangan s'yang mailigtas,kanya 'tong siniguro.


Sa tulong ng Diyos pasyente'y nailigtas ang buhay
at sa kanyang pag-aalaga ay gumanda ang lagay
malakas, magaling at malayo na siya sa hukay
maaari na raw umuwi't magpagaling sa bahay.


Hiniling ng doktor na makita muna ang resibo
kanyang itong binasa't sinulatan ang gilid nito
inilagay sa sobre at maayos na sinarado
saka ibinigay sa pasyente sa kabilang k'warto.


Matagal na sandali bago mabuksan yaring sobre
"baka napakamahal ang gastos", wika ng pasyente
"marahil ay habambuhay na lang akong magsisilbi
upang mabayaran ko lamang ang gastos na malaki."


At nang mabuksan ang sobre'y napansin niya kaagad
na sa gilid ng resibo ay mayroong nakasulat
marahan n'ya itong binasa at anong laking gulat
"Bayad na ang lahat at may isang baso pa ng gatas."


May pirma ng doktor, si Totoy na kanyang pinainom
ng isang basong gatas nuong ito ay nagugutom
tumutulo ang luha, mata'y sa liham nakatuon
pasalamat sa Diyos sa itaas, 'di na maputol.


Tumutulo man ang luha walang tigil na nagdasal
sa pangyayaring naganap na 'di makakalimutan
ang mahalagang turo ng kaniyang mga magulang
na mahalin mo ang iyong kapwa na walang sukatan.


Kasabihan na nga na anupaman ang iyong gawin
babalik at babalik sa iyo 'di mo man naisin
at kung hindi man ikaw ang tiyak na siyang hagipin
maaaring malapit sa iyo ang kanyang salangin.

Comments

avatar casie
+2
 
 
hello,
nabasa ko na rin ang kwentong ito pero hinahangaan kita nagawa mong tula.
you inspire me...
Name *
Code   
ChronoComments by Joomla Professional Solutions
Submit Comment
Cancel
Name *
Code   
Submit Comment