Ang Dakilang Ina
Written by Don Allan Dinio
Filipino Poems
( 17 Votes )katha ni Don Allan Dinio
Ang bawat pamilya ay may isang bayani
na walang istorya. Di siya napapasin
pero kung tutuusin, siya ang nagdala
at nagbigay buhay sa iyo at sa akin.
Siyam na buwan na hirap at pagsusumikap,
tapos ilang taon pa rin na hirap na dinanas
upang ikaw ay maging isang anak na
maipagmamali at karapat-dapat.
Tapos isang araw may lakas kang loob na
mangatwiran at sigawan ang kawawang
nilalang at matapang na nagsabi...
"Huwag mo akong pakialaman? Inay...
ito ay aking buhay!"
Noong ako'y naging binatilyo, ginawa
din ito kasama ng aking mga kalokohan.
Hindi ninyo lang alam kung papaano ko
hinahanap-hanap at naaalala aking Ina
noong siya'y pumanaw. Doon sa mga
mayroon pang nabubuhay na Ina,
samantalahanin ninyo itong mga
gintong araw kasama ang inyong Ina.
Mahalin ninyo sila habang sila'y
nabubuhay pa; kapag wala na sila,
isang libong luha katumbas ay isang
mistulang bula; sabi nga nila, ang
pagsisi ay palaging nasa huli!
Sabi nga ng aking Ina....
"Aanhin mo pa ang damo kapag
patay na ang kabayo!"
Si Inang pa rin ang tumulong sa akin,
noong ako'y unang lumakad at humakbang;
natumba na ilang beses, si Inang pa rin
ang nagsabi. "Kaya mo anak, sige ka lang!"
Ito rin ang palagi kong naririnig kahit
siya ay wala na, kapag ako'y nadadapa at
naliligaw sa buhay!
Si Inang pa rin ang nagturo sa akin
ng magsalita at unang nagwika...
"Opo at Maraming Salamat!" Natutong
mag-mano ang gumalang sa mga nakakatanda.
Marangal na ugali sa akin iniwan at pinanama
sa akin mga magandang asal.
Si Inang pa rin ang umaawat kapag ako ay
napapalo na walang katapusan sa aking
Tatay; siya pa rin ang aking iniyakan
noong ako'y nabigo sa aking unang mahal
sa buhay.
Ngayon ako'y may sarili ng pamilya,
siya pa rin ang aking naalala,
kapag ang aking mundo'y parang
matutunaw at magigiba, siya pa rin
ang naaalala at naiisip na nagpapayo...
"Anak, kung may hirap, may ginhawa!
Ngunit hindi ko ito pinahahalata,
kasi palaging sabi sa akin ng Ina...
"Magpakalalaki ka...dahil itong buhay
ay puno ng hirap, pighati at problema!
Comments